The age-old question. Mas nauna pa nga yata to sa manok o itlog? I believe ever since humanity began, madami ng taong dumaan sa ganitong dilemma. Ano ba kasi talaga dapat ang pairalin sa dalawang ito? Sabi nila, dapat daw healthy balance between the two. Balance? Pwede ba pu-tak? Yan, balanced na balanced yan. Pag may mas nag-balanced pa diyan, papaputol ko itlog ko. Except wala kong itlog. Pero meron akong puso at utak.
Hay buhay, sabi nga nila, parang life. Eto na ang isang magandang buhay, nakahain na sa plato, kukutsarain na lang at isusubo sa bibig. Pero bakit parang naparalyzed ang kamay ko at ayaw gumalaw para kunin ang kutsara?Nakatitig lang ako sa plato and in fact secretly wishing na maglaho ito sa harap ko. Talaga? Sabi ng konsensya ko, after giving up your career, ganun na lang un? Gusto mo na maglaho na lang yang plato ng “great future” na pinagpalit mo sa “stable present” mo? Minsan naisip ko, naghangad ba ko ng sobra? Or naging sobrang mapaghangad ba ko? Sabagay, nakuha ko naman ung gusto ko. Andito na nga diba?Pero ngaung nakuha ko na, bakit parang gusto ko ibalik? Magulo ba? Oo.
Saan pumapasok ung puso o utak? Ganito kc un. Maayos na sana ang lahat. Kumbaga sa ilog, maayos ang daloy ng tubig, tuloy- tuloy lang. Kaso bigla akong naglambitin sa isang puno, nabuwal, nahulog sa ilog, na syang pumigil sa maayos na daloy ng tubig. Kaya ngaun di ko alam kung mananatili ba ko sa punong ito sa gitna ng ilog at tumulay papunta sa pampang o magpapatianod pa rin kasabay ng agos? At tuluyang kalimutan na may punong nahulog sa ilog? Pano ko makakalimutan ang puno kung ito ang nagdulot ng isang malaking sugat na sa tingin ko hindi na maghihilom kahit kailan? Permanente na ang sugat na to. Akala ko kasi nung una naghilom na, pero biglang kumirot at nagpaalalang, andito pa ko.
Puso o utak? Bakit ko nga ba naisipang sumulat ng ganito? Dahil ba sa nabasa kong sinabi ni KC Concepcion sa When I Met You na “Aanhin ko ang magandang buhay kung hindi naman ako masaya?” Feeling ko ako si KC nung nabasa ko to. Hindi dahil kamukha ko sya (hindi ako si Gabby) pero dahil ito mismo ang tanong na gusto kong itanong sa sarili ko, pero hindi ko maitanong at mas lalong hindi ko masagot. Lahat siguro ng tao, lalo na ung mga nagdaan sa kahirapan, nangangarap ng magandang buhay. Ang alam kasi natin, pag may magandang buhay, magiging masaya tayo. At yun naman talaga ang ultimate desire natin sa mundong ito, ang maging masaya, hindi ba? At bakit naman natin naisip na magandang buhay ang magdudulot sa atin ng kasiyahan? Kasi nung nararanasan natin ang hindi maganda o mahirap na buhay, hindi tayo masaya. Kaya naisip natin, kapag gumanda ang buhay natin, sasaya tayo. Eh bakit si KC (dun sa movie), maganda ang buhay nya pero hindi sya masaya? Despues, isa lang ang ibig sabihin nyan. Hindi palaging katumbas ng magandang buhay ang tunay na kaligayahan. So hindi tayo dapat palaging maghangad ng magandang buhay? Question to ha. Eh bakit pa tayo nagta trabaho? Nagsusumikap? Nangangarap? Siguro may mga tao ring tunay na naging masaya nung nakamit nila ang magandang buhay. Hindi nga lang lahat. So ang tanong ngaun, para sa mga taong sa tingin nila eh hindi magiging masaya kapag ginamit ang utak para magkaron ng magandang buhay, ano ang dapat gamitin para makamit ang nagpapahabol na ultimate happiness? Puso ba?
Kapag puso ang ginamit, masarap sa pakiramdam. Pakiramdam mo talaga, you’re going against all conventions. At nakaka proud na feeling ung maramdaman mong sa kabila ng lahat ng taong mapapa – huwattttt? sa desisyon mo, nagawa mong maging matatag at pangatawanan ang napili mo. At wag natin kalimutan na may kilig na kasama lahat ng yan. Pero…… pano kapag lumipas ang kilig? Pano pag dumating ang mga problema? Pano kapag bumalik ka na naman dun sa simula kung saan wini-wish mo magkaron ng magandang buhay dahil hindi ka na masaya sa mahirap na buhay? Magandang buhay na una mong tinalikuran dahil sabi mo hindi ka masaya.
Sandali nga lang. Kapag ginamit mo ang utak mo at pinili mo ang magandang buhay pero hindi ka masaya, ang ending mo, hindi ka masaya. Kapag ginamit mo naman ang puso mo at pinili mong maging masaya sa piling ng mahal ka at mahal mo, may possibility na dumating kayo sa point ng paghihirap, na magbabalik na naman sa yo sa state of unhappiness. Ang ending, hindi ka rin masaya.
Ang labo naman. Kahit anong piliin mo, ang ending mo hindi ka pa rin masaya. Unfair talaga ang mundo. Bakit nga ba unfair ang mundo?
Kailangan ba puro tanong ang essay na to? Title pa lang, tanong na diba? Sana, hindi lang puro tanong ang buhay. Sana, may mga sagot din. At sana ang mga sagot na un hindi manganak ng mas madami pang tanong.
Pero tumatakbo ang oras. Pili na. Puso o utak?
No comments:
Post a Comment